Wednesday, September 19, 2007

Better late than... later!

Sa tatlong araw na seminar ko sa MIRDC (September 12, 13 & 14), grand slam ang pagka-late ko. Nung first day, lagpas isang oras ang late ko. Sa ikalawang araw, dalawang oras naman. Sabi ko sa sarili ko, babawi na lang ako kinabukasan at kailangan talaga eh mas maaga na ako dahil may hands-on activity na kami sa umaga palang. So sa pangatlong araw, tatlong oras lang naman ang ni-late ko. Alas-onse na ako nakarating sa MIRDC, ang aga... ang aga ko para sa lunch break!

Dapat ko bang sisihin ang sarili ko? Well, HINDI!

Dahil ang lahat ng ito ay dahil sa mga pinaggagagawa ng mga magagaling kong co-employees na kasabay ko sa biyahe. Sila ay mga taga-Finance Depatment na may separate seminar sa Makati (at ang MIRDC ay sa Taguig). In short, para makatipid ang kumpanya sa gasolina ng sasakyan eh pinagsabay-sabay na lang kami. Wala namang kaso sa akin iyon dahil nagiging praktikal lang ang kumpanya. Ang sa akin lang, mas epektibo sana ang isang bagay na ginawan ng paraan para maka-menos sa gastos (at effort na rin sa mga company driver), kung may disiplinang kaakibat ito ng mga empleyado.

Actually, planado naman ang lahat --ang oras, ang pick-up points at ang sasakyang gagamitin sa loob ng ilang araw na seminar na iyon. Inabuso lang ng mga co-employees ko ang pagkakataong makalarga sila at maipakita ang kani-kanilang kaartehan sa katawan. Hayun, kanya-kanyang request, text sa driver na "dito ako sunduin", "puntahan nyo ako sa bahay namin", "ako ang huli ninyong sunduin dahil napuyat ako kagabi at hindi pa ako nakabangon ng maaga", etcetera ETCETERA!

So nung pangatlong araw na, hindi talaga maipinta ang mukha ko nung umagang pinaghintay nila ako sa Total Gas Station near Angeles Exit. Before 6:30 Am ay nandun na ako at nakaabang sa sasakyan. Isa't kalahating oras lang naman nila akong pinaghintay na parang tanga, nakatayo dahil walang upuan at hindi mapakali.

Sa loob-loob ko, minumura ko na talaga sila. Sabi ko, hindi ko yata mapipigilang ipakita ang facial expression ko (na inis na inis) kapag dumating na sila kahit na ang ilan sa kanila ay may mataas na pwesto na sa kumpanya.

Lalo pang nakapagdagdag init-ulo sa akin ang natanggap kong text message mula sa driver (7:30 AM na yun)... "Nandito palang kami sa Baliti [San Fernando] then dadaanan si Madam R***, then ikaw na."

Punyemas! Lokohan na ito!

Hindi ko na napigilan ang sarili ko na isumbong ito sa Senior Supervisor ko. Tinext ko siya then nag-call back naman siya kaagad. Hayun, pati siya ay nagulat sa mga pangyayari. Kaagad naman niya itong ipinarating sa GA Department namin na wala ring kaalam-alam sa mga kaartehan ng mga taga-Finance Department na iyan.

Past 8 AM na nung nasilayan kong paparating na ang sasakyan. Tama nga ako,. Hindi ko napigilang ibahin ang facial expression ko. Tumabi ako sa driver na nakasimangot at saktong sambit ng driver: "Sorry Sir, trapik po kasi sa dinaanan namin." Hindi ako umimik.

Pambihira.

Naiintindihan ko sa puntong iyon ang driver. Siyempre, di nya kaagad sinabi sa akin ang mga totoong dahilan kung bakit nga na-delay sila dahil nga ang mga hitad ay nasa loob pa ng sasakyan, marahil nakikiramdam sa mga kilos ko na siguro'y halatang-halata na sa pagkayamot.

Hindi nila ako masisisi. Hala sige nga at sila ang lumugar sa kinatatayuan ko, as in sila ang tumayo ng isang oras at kalahati, ewan ko lang kung ano ang magiging reaksyon nila.

Hindi ko talaga sila nilingon hanggang sa pagbaba nila ng Makati. Pero sa biyahe palang ay naririnig ko na ang kanilang mga sisihan kesyo na-late si ganire... at ang mga conversation nila sa kani-kanilang cellphone na tawag mula sa kanilang bosses sa kumpanya dahil nga nabalitaan na ang pangyayaring iyon (dahil nga nagsumbong na ako sa boss ko).

Hala... kanya-kanyang alibi na ito!

Pagkababa nila sa Makati, natawa naman ako dahil si kuya armin (driver) ay biglang nagsabi ng totoo eh hindi ko na nga gustong usisain kung sino talaga ang mga may sala. Hayun, may tama ako! Nagmamaganda kasi sila!

Anyway, hindi naman ako ang nadungisan ng imahe sa pangyayaring ito. Naku, iyon pa man din ang ayaw nilang mangyari... ang masira ang image nila sa paningin ng mga bosses na Hapon. Good luck na lang sa kanila.

Thursday, September 13, 2007

Brown Puto

Natapos din ang unang araw ng training/seminar ko kanina about length metrology sa MIRDC-DOST Taguig. Medyo napagod ako ngayon sa biyahe, at eto na naman... trying to squeeze my brain in expressing all my thoughts that popped up for the last few hours --sana maalala kong lahat.

***Pambihira itong mga nakasabay ko sa service vehicle ng company kaninang umaga. Ang sa-sarap nilang pag-untugin lahat. Gumising-gising ako ng 4:30 AM para lang matupad ang schedule tapos sisiraain lang nila dahil sa mga kaartehan nila sa katawan. Gayung pabalik-balik kami dahil gusto ng isa eh huli siyang daanan, yung isa naman walang cellphone kaya di tuloy malaman kung saang eksaktong lugar siya naroroon. Hindi talaga praktikal ang biyahe namin kanina. As usual, dahil sa Makati ang kanilang seminar at ako naman ay sa Taguig, ang ending, ako rin ang na-late sa mga kaartehan nila. Arrrrrgggggg!!!!!!

***Buti na lang at mabait itong driver namin na si Kuya Edwin, pero if I know, nagtitimpi rin siya sa mga kaartehan ng mga yun... as in ang AARTE talaga! Tomorrow, si Kuya Steven daw ang magiging driver ko (ako na lang mag-isa bukas... salamat naman)...
@ MIRDC Compound, DOST Taguig


***The training was good, puro hands-on and that's basically what I wanted. Mabait ang mga trainer and approachable. Yung isa taga-Pampanga rin kaya hayun, medyo nagkwentuhan tungkol sa aming lugar... Yung mga co-trainee ko, ok naman sila, pero karamihan sa kanila ay mga gurang na.. hehehe... di ako maka-relate. Hahaha...

***Morning merienda namin ay pansit kanton with puto na kulay brown. Masarap naman. Pero pagdating ng Lunch meal, parang di ako natuwa. Hindi pala "parang", talagang hindi ako natuwa sa dinuguan at sipo egg na yun. I mean, walang lasa. Then yung apat na co-trainee ko hindi nakakain dahil bawal daw sa kanila yung dinuguan. Malamang INC sila. Hayun, binigyan na lang sila ng another set of ulam pero galing na sa canteen ng MIRDC... eeewww.. di naman masarap dun dahil kumain na kami ng technician ko dun nung pumunta rin kami sa MIRDC few months ago for Calibration Service.

***Dinala ko na rin ang ilang gamit namin sa kumpanya para ipa-calibrate sa MIRDC. Si madam Arlene ng Instrumentation section sa MIRDC, kinukumbinsi pa ako na mag-pass ako ng resume sa kanila. Aba, binigyan nya ako ng idea huh!

***At dahil nga walang bakanteng sasakyan ang kumpanya namin pagdating ng hapon kanina, pinakiusapan na lang ako na mag-bus na lang papauwi. Actually, ako na ang nag-suggest sa General Affairs Department namin na mag-PUV na lang ako dahil para matigil na rin ang problema nilang iyon at mapagbigyan ang mga maaarteng co-employees ko na nag-seminar naman sa Makati. This time, marami na kasi sila dahil yung iba nag-hotel last night pa. So, full-load lahat ang mga company vehicle ngayon.

***Anak ng tipaklong naman, ang trapik kanina sa EDSA. Alas-singko ang labas ko sa MIRDC, nakarating ako ng Cubao Bus Terminal ng alas-siyete. SIETE talaga! Then sa bus ko nalang nalaman na GUILTY pala si Erap sa kasong Plunder. Well, that's another story.

***Bukas ko na lang itutuloy ito, inaantok na ako.

Sunday, September 09, 2007

Ang resulta...

Rest day ko ngayon (at bukas) mula sa trabaho. Actually, it's an additional rest day that our company is giving to its employees whenever there is no holiday in a certain month -- like for example September. Nevertheless, mas matutuwa pa rin ako kung sanang permanently gawin nang "rest day" ang Saturday.

The past week was very memorable to our company, and perhaps for me also. Sumailalim kasi kami sa ISO Surveillance Audit, 1 certification and 2 re-certifications simultaneously. Todo rin naman ang paghahanda ko dahil sa QMS, sa Calibration ako na-audit, then sa EMS and OHSAS, nag-prepare din ako dahil EHS (Environmental, Health and Safety) coordinator ako ng Department namin.

Successful naman ang naging resulta. Pero frankly speaking, mas "chicken!" itong ganitong klaseng audit compare sa customer audit na madalas din namang mangyari sa kumpanya. Kahapon nga sa Closing Meeting, medyo ka-"charingan" ang narinig kong "Good Points" daw ng kumpanya namin. Hay naku... mahirap nang magsalita! Pero ang resulta... as usual... certified! Abot hanggang tenga tuloy ang ngiti ng mga big bosses namin pati na ang mga Hapon na ewan kung naintindihan ba nila ang discussion sa mga Audit Findings dahil Taglish ang lengguahe ng mga auditor.


***

Nung monday, nagyaya ang mga officemate ko na panoorin ang pelikulang 1408 sa SM Clark. Pinaunlakan ko naman ang invitation nila. Hehehe... (Parang napilitan.) Ang resulta... todo pinagtawanan namin ang horror movie na ito na pinagbibidahan nina Samuel Jackson and John Cusack. Pinagtawanan dahil walang ka-kwenta kwenta ang pananakot ni Stephen King sa grupo namin. Hahaha. Mas natuwa pa ako sa Evan Almighty na nauna ko nang napanood.

Monday, September 03, 2007

Fiesta Nightmare

Hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin ako sa nangyari. Last Tuesday, august 28, nabanggit ko sa previous entry ko na fiesta sa amin. In fact, while I was composing that blog entry at around 11:30 PM, nasa kwarto ako noon habang ang ibang family members, relatives and family friends ay nandito rin sa amin, nagkakasiyahan, videoke, inuman at kainan. Dahil nga sa ingay at hindi usual na happenings sa bahay, mga ala-una na ako natulog pero ang ilan ay nasa bahay pa rin namin, hindi pa umuuwi especially yung mga kaibigan ng parents ko. Mga isang oras palang akong nahihimbing ay ginising ako ng kapatid ko, may naaksidente raw sa may hi-way palabas sa amin, nagkabungguan daw ang isang truck at isang owner-type jeep, patay ang driver ng owner-type jeep. At ang driver na namatay ay yung isa sa mga kaibigan ng parents ko na kagagaling lang sa bahay namin nung gabing iyon. Siyempre, nagulat ako sa balita. Kani-kanina lang ay nandito siya sa amin, kumanta pa raw sa videoke. Nakarating ang balita sa pamamagitan ng text message ng isa pang family friend na dumaan sa pinangyarihan ng banggaan. So dali-daling sumugod sa ospital ang parents ko para samahan ang iba pa nilang kaibigan na nauna nang pumunta doon. Kaso, huli na nga ang lahat at sumakabilang buhay na ang biktima.

Personally, hindi ko kilala yung tao. Pero nakakalungkot isipin na talagang hindi natin alam kung ano ang kinakaharap natin sa ating buhay. Hindi natin alam kung kailan ang katapusan natin.

Ayon sa mga kwento ng mga taong huling nakahalubilo ng biktima, nagmamadali raw itong umuwi at hindi nga raw nakapag-paalam ng maayos. Mag-isa lang siya sa sasakyan. Ayon naman daw sa kwento ng truck driver, binagalan nya na ang kanyang pag-usad nang makitang sumasalubong sa kanya ang sasakyan ng biktima. Suspetsa tuloy ng nakararami na inaatake na siya noon ng anumang karamdaman nya sa katawan kaya tuluyan ngang hindi nya namaneho ng maayos ang sasakyan. Pero wala talagang makakapagsabi ng tunay na pangyayari dahil nga namayapa na ang biktima.

Sa ngayon, sa tuwing magdaraan ako sa pinagyarihan ng aksidente (flyover sa taas ng NLEX), hindi ko mapigilan ang mangilabot. To think na ang huling tahanan na kanyang tinuntungan ay sa amin. Somehow, nakaka-guilty.